Inanunsyo ng Senado na isang reklamo na isinampa sa Senate ethics committee ang natukoy na “sufficient in form and substance,” ayon kay committee head Sen. JV Ejercito.
Sa unang pagdinig ng komite mula nang ilathala ang kanilang mga alituntunin, sinabi ni Ejercito na tinalakay nila ang “docket number one” na ngayon ay ipapadala na sa respondent upang makapagbigay ito ng sagot.
Hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan ng senador na inirereklamo at ang detalye ng kaso.
Ayon sa komite, target nilang muling magpulong sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Mayo 4 upang pormal na talakayin at posibleng resolbahin ang unang reklamo bago isunod ang iba pang kaso.
Sa kabuuang siyam na reklamo na kanilang sinusuri, sinabi ni Ejercito na higit sa kalahati ang hindi nakasunod sa tamang porma at nilalaman. Aniya, kulang ang impormasyon ng mga ito at hindi rin sumunod sa kinakailangang “matrix,” kaya ibabalik ang mga ito sa mga nagsampa upang ayusin.
Patuloy ang pagdinig ng Senate ethics committee bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa pagbusisi ng mga reklamong may kinalaman sa mga miyembro ng Senado.
















