-- Advertisements --
Sen Gatchalian

Dismayado si Senador Sherwin Gatchalian dahil napag-iwanan na ang mga Pilipinong guro pagdating sa sahod kung ihahambing sa mga guro sa Timog-Silangang Asya,.

Sa Indonesia, halimbawa, nakatatanggap ang mga guro ng humigit-kumulang P66,099, samantalang P60,419 naman ang natatanggap ng mga guro sa Singapore.

Iginiit ni Gatchalian ang kanyang panukalang itaas ang sahod ng mga guro upang itaas ang kanilang morale at itaguyod ang kanilang kapakanan.

Noong inilunsad ang Brigada Eskwela, iniulat na ipinagutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Education (DepEd) na pag-aralan kung ano ang mga pangmatagalang hakbang para madagdagan ang sahod ng mga guro at kawani, bukod pa sa pagtaas ng sahod na kanilang natanggap sa ilalim ng Salary Standardization Law.

Isa sa mga prayoridad ni Gatchalian sa ilalim ng 19th Congress ang Senate Bill No. 149 o ang Teacher Salary Increase Act.

Sa ilalim ng naturang panukala, iminungkahi ng senador na itaas ang salary grades (SG) ng mga Teacher I mula SG 11 (P27,000) paakyat sa SG 13 (P31,320).

Iminungkahi niya ring itaas ang sahod ng Teacher II mula SG 12 (P29,165) paakyat sa SG 14 (P33,843), pati na rin ang sahod ng Teacher III mula SG 13 (P31,320) paakyat sa SG 15 (P36,619).

Giniit din ni Gatchalian na dapat bigyang prayoridad ang pagbawas sa gawain ng mga guro at ang pagtiyak na meron silang health insurance.