-- Advertisements --

Balik session na ang Senado ngayong araw para sa pagpasa ng proposed P5.024-trillion national budget for 2022.

Ayon sa liderato ng Senado, mula sa dating tatlong araw at kada hapon lamang ang kanilang plenary sessions, gagawin itong umaga at hapon, Lunes hanggang Huwebes.

Kung sakali ay maaari pa itong paabutin ng Biyernes, kung hindi matatapos ang ilang gawain.

Sabi ni Senate President Tito Sotto III, ito ay para mahimay nila ang 2022 national budget.

Samantala, ngayong araw ay pupulungin naman ang lahat ng senador para tukuyin ang iba pang panukalang batas na kanilang target na ipasa, upang hindi ito mapag-iwanan habang tinatalakay ang pambansang pondo.

Pagpapasyahan na rin kung itataas na nila ang bilang ng mga empleyado at mga bisita na papayagang pumasok sa Senado.

Matatandaang isinara sa publiko ang gusali dahil sa mga kaso ng COVID mula sa mga senador hanggang sa mga staff nila, kung saan may ilan pang tauhan ang binawian ng buhay.

Pero kahit bawal ang personal na pagpunta, napapanood pa rin naman ang hearing at sessions sa pamamagitan ng internet.