Tatlong scenario ang pinaghahandaan para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna pa rin ng coronavirus pandemic.
Sa isang panayam, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na nagkasundo sila nina House Speaker Lord Allan Velasco at ng Presidential Security Group (PSG) sa tatlong posibleng set-ups sa SONA ni Pangulong Duterte sa darating na Hulyo.
Una ay kahalintulad aniya nang ginawa noong nakaraang taon, kung saan tutungo ang ilang piling bisita sa Batasang Pambansa sa Quezon City kasama si Pangulong Duterte.
Sa scenario na ito, 30 indibidwal mula sa Senado ang papayagan na makadalo nang personal sa SONA sa Batasang Pambansa.
Ang ikalawang scenario naman ay sasamahan nina Sotto at Velasco si Pangulong Duterte sa Malacanang para sa SONA nito.
Ang ikatlo ay sa Malacanang na si Pangulong Duterte habang ang mga miyembro naman ng Kongreso ay manonood na lang ng speech nito sa Batasang Pambansa.
















