Pinuna ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagtatangka i-railroad ang panukalang charter change (Cha-cha) sa lower house.
Paniwala ni Drilon, nais palabasin ni House Committee on Constitutional Amendments chairman at Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na kayang amiyendahan ng House of Representatives ang konstitusyon, kahit hindi kasali ang Senado.
Dapat umanong tandaan ni Garbin na bicameral ang Kongreso ng Pilipinas kaya hindi maaaring i-convene bilang constituent assembly ng House committee on constitutional ang kanilang sarili nang walang naipapasang resolusyon sa Senado at Kamara.
Para sa lider ng minorya sa Senado, malinaw ang isinasaad ng konstitusyon na maaari lamang i-convene ang kongreso sa pamamagitan ng three-fourth votes ng lahat ng miyembro ng Senado at House of Representatives sa magkahiwalay na botohan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Drilon na mahigpit nilang tutulan ang isinusulong na ChaCha ng kamara lalo na’t sa initial round pa lamang ay kwestynableng hakbang na.