Agad na babalangkas ang liderato ng Senado ng kanilang initial report kaugnay ng naging takbo ng mga pagdinig para sa PhilHealth controversy.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, layunin nitong maisaayos na ang mga problemang bumabalot sa naturang tanggapan.
Pero itutuloy pa rin bukas ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang hearing, para makapagbigay naman ng panig si Health Sec. Francisco Duque III.
Pero para kay Sen. Panfilo Lacson, kahit nagpapatuloy pa ang hearing, sana raw ay magkusa nang bumaba sa pwesto ang mga inaakusahang opisyal sa isyu ng korapsyon.
Habang sa panig ni Senate committee on health chairman Sen. Christopher “Bong” Go, sana raw ay lumiban muna sa trabaho ang mga naaakusahang PhilHealth officials, bilang delicadeza at upang hindi makaimpluwensya sa paghahanap ng sagot sa kontrobersiya.










