-- Advertisements --

Ipinaalala ni Senate Commottee on Environment and Natural Resources chairperson Senator Cynthia Villar kung gaano kahalaga ang Sewerage Treatment Plan (STP) para mapanatili ang kalinisan at gayundin ang protektahan ang Manila Bay.

Ito ang naging tugon ng senador sa plano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magtayo ng solar-powered Sewage Treatment Plant (STP) sa Baywalk area sa Malate, Manila.

Pinasinayaan ang STP noong Hulyo 30 sa pangunguna nina DENR Secretary Frank Cimatu at MMDA Chair Gen. Danilo Lim. May kakayahan ito na kumuha at linisin ang nasa 500,000 liters ng wastewater kada araw mula sa mga drainage outfalls ng Padre Faura, Remedios at Estero de San Antonio Abad.

Binabalak din ng DENR na magdagdag pa ng solar-powered STPs para naman sa tubig na manggagaling sa Parañaque River, Tullahan-Tinajheros River at Las Piñas-Zapote River.

Ayon kay Villar, magsisilbi itong welcome development para pagbutihin pa ang lagay ng tubig sa Manila Bay.

Marami rin aniyang mga mangingisda ang umaasa sa Manila Bay para sa kanilang kabuhayan. Ito ang pangunahing pinagkukunan nila ng mga isda na ibinebenta sa National Capital Region (NCR), Caloocan. Malabon, Navotas, Valenzuela at ilang parte ng Cavite at Bataan.

Tinatayang aabot ng 1.7 million hectares ang drainage area ng Manila Bay na mayroong 17 river systems. Isa sa mga adbokasiya ni Villar ang makipagtulungan sa mga local government units (LGUs) upang panatilihin ang kalinisan ng mga ilog sa kanilang munisipalidad na makakatulong naman na protektahan at alagaan ang Manila Bay.

Dagdag pa ng senador na isa ang plastic wastes sa pinaka-malubhang nakakapinsala sa ating kapaligiran at pumapatay sa mga yamang dagat.

Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking source ng plastic waste sa karagatan, habang nangunguna naman sa listahan ang Chinas at Indonesia.

Sa kabila nito ay pinuri naman ni Villar ang dumadami pang indibidwal na nais protektahan ang Manila Bay. Pinangungunahan ito ng 13 “mandamus agencies” na pinamumunuan naman ng Supreme Court.

Ang naturang 13 Mandamus agencies ay ang: DENR, DILG, DepEd, DA, DPWH, DBM, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police-Maritime Group (PNP-MG), Philippine Ports Authority (PPA), MMDA, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Local Water Utilities Administration (LWUA).