-- Advertisements --

Itinuturing ni senate majority leader Joel Villanueva na magandang hakbang ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang executive order na bubuo sa Water Management Resource Office bilang pagtugon sa banta ng water crisis sa Pilipinas.

Ayon kay Villanueva, sa pamamagitan ng kautusang ito ay mas mabibigyan ng pansin ang mga problema ng bansa sa suplay ng tubig.

Pero bilang pangmatagalang solusyon sa problema ay isinusulong ng senador na magkaroon ng hiwalay na departamento na mangangasiwa sa water needs ng Pilipinas.

Kaugnay nito, una nang inihain ng majority leader ang Senate Bill 2013 o ang panukalang National Water Act na siyang magtatatag ng Department of Water Resources at ng Water Regulatory Commission.

Nakasaad rin aniya sa panukala ang pagbubuo ng isang integrated water management framework na maglalatag ng mas kongkretong plano sa pagtugon sa krisis sa suplay ng tubig.

Sinabi ni Villanueva na target ng senado na matalakay ang naturang panukalang batas sa pagbabalik ng sesyon ng senado sa Mayo upang maisabatas ito sa lalong madaling panahon.