-- Advertisements --

Isang makahulugang Facebook post ang ibinahagi ni Senador Robin Padilla nitong Huwebes, Mayo 21, na agad umani ng atensyon mula sa mga netizen at nagdulot ng espekulasyon kung may tao ba itong pinatatamaan.

Sa kaniyang post, ikinuwento ni Padilla ang tungkol sa isang ibong tinawag niyang “Tarat” na umano’y dati nang nahuli ngunit kalaunan ay napalaya rin.

“May Isang Tarat na dati ay nahawla, Ayaw na pakawalan ng umangkin sa kanya pero dahil may mga nakiusap para mapalaya ang tarat na ito, muli siyang nakabalik sa kanyang pugad,” bahagi ng pahayag ng senador.

Dagdag pa niya, “Kakaiba ang tarat na ito hindi na nga nagpasalamat, ngayon umaawit pa sa napakapangit na tono.”

Dahil sa tono at nilalaman ng kaniyang mensahe, marami sa social media ang nagtanong kung ito ay may tinutukoy na partikular na indibidwal o sitwasyon.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)–Central Luzon, ang “Tarat” ay tumutukoy sa ibong Brown Shrike, isang migratory bird na dumadayo sa Pilipinas tuwing Setyembre at umaalis tuwing Mayo.

Sinabi rin ng ahensya na ayon sa ilang pag-aaral, ang salitang balbal na “taratitat,” na nangangahulugang madaldal na tao, ay maaaring nag-ugat sa pangalan ng naturang ibon.

Matatagpuan ang Brown Shrike sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luzon, partikular sa mga migratory corridor sa rehiyon.