-- Advertisements --

Nilinaw ni Senador Robin Padilla na walang personal na alitan sa pagitan nila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kasunod ng viral na insidente ng pagtutulakan sa loob ng Senado na naging usap-usapan sa social media.

Nag-ugat ang isyu matapos kumalat ang mga video at larawan ng komosyon sa Senado kung saan makikitang nagkaroon ng pisikal na pagtutulakan sa pagitan nina Padilla at Remulla habang ginaganap ang imbestigasyon na isinagawa ng Cayetano bloc.

Sa isang panayam, sinabi ni Padilla na bahagi lamang ng crowd control ang nangyari at walang dapat bigyang ibang interpretasyon ang insidente.

“Kaming dalawa, maximum tolerance naman kaming dalawa. Parehas lang kami na, may trabaho siya, may trabaho ako. Ang mainam doon, nakita naman ng tao na wala namang nagbuhat ng kamay,” ani Padilla.

Ayon pa sa senador, hindi maiiwasan ang pisikal na pagtutulakan dahil sa dami ng tao sa loob ng Senado.

“Nagkaroon ng tulakan, siyempre kasi maraming tao, nagkakagulo eh. Ang importante walang nagbuhat ng kamay,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Padilla na nananatiling maayos ang kanyang relasyon kay Remulla at wala siyang sama ng loob sa kalihim.

“Crowd control kami ni Secretary. Kaibigan ko naman ’yon, wala naman kaming personal na away,” aniya.

Ang insidente ay naganap habang naroon sina Senador Pia Cayetano at mga indibidwal na nagpakilalang dating sundalo na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Samantala, nilinaw rin ni Remulla ang kanyang panig sa isyu at itinangging may hinarangan siyang sinuman.

“I was alone about to go home. No police blocking force was with me,” pahayag ni Remulla.

Ayon pa sa kalihim, palabas na siya ng Senado nang biglang dumating ang media at ilang personalidad sa lugar.

“I was walking out when a herd of people started pushing me through the narrow hall,” dagdag niya.