-- Advertisements --

Iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na dapat tiyakin ang ganap na transparency sa panukalang negosasyon sa pagitan ng China at Pilipinas para sa joint oil at gas exploration sa West Philippine Sea.

Ang layunin ng transparency ay para malaman kung ang mga kasunduan ay sumusunod sa ating Konstitusyon.

Upang umunlad ang mga negosasyong ito, binigyang-diin ng senador na “crucial” ang transparency dahil kinasasangkutan nito ang isyu ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Aniya, susi ito upang makuha ang suporta at kumpiyansa ng mamamayang Pilipino at mabura ang anumang pagdududa na kinokompromiso ng gobyerno at isinusuko mga karapatan sa West Philippine Sea.

Kung matatandaan, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang state visit sa China kung saan nakipagpulong siya kay Chinese President Xi Jinping para sa bilateral talks, na ipagpapatuloy ng Pilipinas at China ang negosasyon sa joint oil at gas explorations sa South China Sea na isang bahagi na idineklara ng Permanent Court of Arbitration na nakabase sa Hague noong 2016 na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas.