Nakiisa na rin si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa panawagan ng kaniyang mga kapwa mambabatas na ibigay na lamang ang P19 billion pesos mula sa anti-insurgency fund ng gobyerno para sa mga nasalanta ng Bagyong Quinta at Rolly.
Ang nasabing halaga ay kasama sa proposed 2021 budget sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon sa senador, maraming food packs, tahanan, daanan, tulay, at classroom ang maaabot ng P19 billion na halaga ng anti-insurgency budget para sa mga indibidwal na naapektuhan ng kalamidad sa Bicol, Southern Luzon at iba pang mga probinsya.
Dapat aniyang gamitin ang pondo para masagip ang mga Pilipino na walang-wala na ngayon sanhi ng nagdaang bagyo.
Maaari rin umanong gamitin ang pondo na ito para dagdaganan ang calamity fund at pati na rin ang quick response fund ng ilang mga probinsya na naghihikahos na dahil sa coronavirus pandemic.
Una nang sinabi ng ilang local government unit executives na bahagyang naudlot ang kanilang paghahatid ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo dahil kulang ang kanilang pondo.
Ayon pa sa mambabatas, hindi raw dapat kalimutan ng pamahalaan na hanggang ngayon ay binabato ng kritisismo ang NTF-ELCAC sa kabila ng mga naglabasang impormasyon hinggil sa fake surrenders at red-tagging.
Sa panahon na mayroon tayo ngayon, ani Pangilinan na dapat ay mas unahin ang pangangalaga sa buhay ng bawat isa at hindi ang ikapapahamak ng mga ito.
Saad pa ng senador na dapat ay kaagad palitan ng Department of Budget and Management (DBM) ang nabawas na pondo mula sa Quick Reaction Funds (QRF) ng Bicol at Southern Tagalog para nang sa gayon ay kaagad nilang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya at komunidad na hinagupit ng bagyong Rolly.
Sa kasalukuyan ay aabot na ng halos 600 na sako ng biga ang binili ng mambabatas sa National Food Authority (NFA) na nakatakda namang ipamahagi sa mga biktima ng bagyo.