Nadismaya si Sen. Robinhood “Robin” Padilla sa hindi pagdalo ng ilang opisyal mula sa Ehekutibo sa pagdinig ng kanyang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa mga posibleng pagbabago sa ating Saligang Batas.
Bagama’t nanawagan muli si Padilla para dumalo ang mga opisyal sa pagdinig, iginiit niya na hindi mangyayari ang ganitong kakulangan ng koordinasyon ng Ehekutibo at Lehislatura kung lumipat sa Parliamentary system ang Pilipinas.
Binasa ni Padilla ang laman ng sulat ng Department of Energy na hindi makadalo ang kinatawan nito sa pagdinig.
Hiniling ng DOE na payagan itong magbigay ng “written comments at a later date after due internal study.”
Ayon sa mambabatas, napakasensitibo ng usapan sa pagbabago sa Saligang Batas at dapat lahat na inimbita ay “magbigay ng interest” dito.
Sinuportahan siya ni minority leader Aquilino “Koko” Pimentel III na dumalo sa pagdinig.
Dagdag ni Pimentel, sa isang parliamentary system, “walang takas.”