Sa kabila ng kaliwa’t kanang kuwestyon na ipinupukol sa Philippine International Trading Corp. (PITC), naniniwala pa rin daw si Sen. Imee Marcos na dapat pangunahan ng nasabing kumpanya ang pagbili ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Marcos, kahit gustuhin man nila na dagdagan ang pondo ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) ay wala naman daw silang ibang ginawa kundi magkaroon ng eskandalo.
Bilang government owned or controlled operation (GOCC), inatasan ang PITC na pangasiwaan ang export at import trading ng mga bago at non-traditional products at markets na hindi nabibigyan ng pansin ng ma pampribadong sektor.
Ipinagmalaki pa ng senador na kabisado nita ang papel ng PITC dahil mismong ang kaniyang yumaong ama ang nagtatag nito para sa communist trade ng Pilipinas sa China at Russia.
Una nang isiniwalat ni Senator Franklin Drilon ang naging report ng Commission on Audit (COA) kung saan makikita na mayroong mahigit P33 billion na government funds ang nakatago lamang sa bank accounts ng PITC.
Napag-alaman din sa isinagawang budget deliberation ng Senado na aabot ng P9.6 billion ng military funding ang kasalukuyang nasa PITC, habang P3.5 billion naman ang para sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Mariin namang pinabulaanan ng PITC ang sinabi ni Drilon na ginawa lamang silang imbakan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa kanilang mga pondo.