Binigyang-diin din ni Senator Imee Marcos na posibleng hindi makaboto sa 2022 national at local elections ang libo-libong vulnerable citizens sa Pilipinas hangga’t walang socially sensitive at convenient voting system para sa mga ito.
Hindi dapat aniya makaranas ng diskriminastin ang mga senior citizens, buntis, persons with disability (PWDs) at indigenous people (IP). Dapat umano na bigyan ang mga ito ng pagkakataon na makaboto sa pamamagitan ng mail-in voting,
Ito ang naging pahayag ni Marcos kasabay ang paghahain nito ng Senate Bill 1870 o Voting By Mail Act.
Malaki raw kasi ang posibilidad na hindi sila mabigyan ng sapat na pansin dahil sa kalagayan ng kanilang kalusugan o di kaya naman ay malayo ang kanilang tinitirahan sa mga polling precincts lalo na kung magpapatuloy ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Marcos, hindi dapat magbulag-bulagan ang mga tao sa pamahalaan sa paghihirap na pinagdadaanan ng bawat Pilipino para lamang makaboto tuwing eleksyon.
Tila binalewala naman nito ang pangamba ng nakararami na magagamit sa pandadaya ang mail-in voting. Paliwanag ng senador, matagal nang ginagamit ng mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) ang postal system para lamang makasali sila sa eleksyon.
Siniguro naman ni Marcos na magsasagawa pa rin ng pilot testing upang tiyakin na hindi magiging palyado ang sistema para sa domestic elections.
Nitong mga nagdaang pagdinig sa Senado ay sinuportahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mail-in voting habang kumpyansa naman ang Philippine Postal System na kayang-kaya nitong pangasiwaan ang mail-in voting.