-- Advertisements --

Inabisuhan ni Sen. Panfilo Lacson si vaccine czar Sec. Carlito Galvez na mag-ingat dahil posibleng napapaligiran ito ng mga tao na tanging pansariling interes lamang ang kagustuhan.

Ayon sa senador, kumpiyansa ito sa integridad at sinseridad ni Galvez ngunit ang ibang miyembro aniya ng National Task Force Against COVID-19 ay maaaring ginagamit lang siya ng mga ito upang isagawa ang kanilang mga pansariling plano.

Hindi naman tinukoy ng mga senador kung sino ang kaniyang pinapatamaan.

Nagpaalala aniya ito kay Galvez sa isinagawang private meeting kasama sina Senate President Vicente Sotto III, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Baguio City Mayor Benjamin Magalong noong Miyerkules.

Alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ipinaalam ni Galvez sa mga senador ang progress sa ginagawang negosasyon upang makabili ang bansa ng 25 million doses ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese drugmake na Sinovac Biotech.

Sinabi pa ni Lacson na karamihan sa kanilang mga katanungan ay nasagot naman daw ni Galvez.

Siniguro din umano ng kalihim na gagawin nito ang lahat ng kaniyang makakaya upang hindi matuloy ang kung anomang pansariling interes na pinaplano ng ibang tao.

Ipinakita rin ni Galvez ang mga dokumento sa negosasyon kaya bahagyang napawi ang pangamba ng mga senador sa integridad at sinseridad ng kalihim na gampanan ang kaniyang tungkulin.

Tumanggi naman si Lacson na bawiin ang kaniyang unang pahayag na may nagbalak umano ng overpricing sa pagbili ng Sinovac vaccine. Malalaman lang aniya ang sobrang presyo ng bakuna sa oras na mapagkasunduan na ang final price nito.