Hinihikayat ni Sen. Imee Marcos ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), PAG-IBIG, at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipatupad ang pansamantalang suspensiyon ng pag-kaltas sa sahod upang mabawasan ang pasaning nararanasan ng mga manggagawang Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pangunahing bilihin.
Kasabay nito, isinusulong din ng senador ang loan moratorium upang bigyan ng lunas ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante na labis na naapektuhan ng krisis sa enerhiya, matapos ideklara ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang national state of energy emergency.
Ayon kay Marcos, “Ang krisis sa gasolina at krudo ay pabigat lalo sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino, lalo na sa ating mga manggagawa. Kaya’t marapat lamang na bigyan natin sila ng kahit isang buwan o higit pang palugit sa pagbabayad ng kanilang mga obligasyon.”
Dagdag pa niya, “”Wag muna nating kaltasan ang kanilang sahod. Ibigay muna ito nang buo upang kahit paano ay makasabay sila sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin.”
Binanggit rin ng senador na ang ganitong hakbang ay napatunayan nang epektibo noong panahon ng pandemya at sa mga nakaraang kalamidad. “Ito ay isang patuloy na krisis na tila mas matagal kaysa sa inaasahan. Gawin natin ang lahat upang mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan,” ani Marcos.
















