SEN IMEE MARCOS: “DUN LANG SA TOTOO” SA SENATE INCIDENT KASAMA ANG NBI AT OSAA
Naglabas ng pahayag si Senator Imee Marcos kaugnay ng mga kumakalat na salaysay tungkol sa nangyaring tensyon sa Senado, kabilang ang putukan at paggalaw ng mga awtoridad sa loob ng gusali.
Ayon kay Marcos, OSAA o Senate security ang unang nagpaputok, ngunit iginiit niyang pumasok umano ang mga tauhan ng NBI sa Senate premises nang walang pahintulot, at nag-drill pa umano sa pader mula sa Government Service Insurance System side habang armado.
Depensa niya, self-defense lamang ang ginawa ng Senate security sa pagputok ng warning shot, at sinundan pa umano ito ng “volley” o sunod-sunod na pagputok ng baril mula sa kabilang panig, na lalo pang nagpalala ng sitwasyon.
Kinuwestyon din niya kung bakit may presensya ang NBI sa Senado kung ayon sa kanilang director ay wala naman talagang direktang utos na arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, at kung bakit hindi umano ito naka-coordinate sa Senate leadership.
Giit pa ni Marcos, wala pa umanong malinaw na desisyon mula sa Korte Suprema tungkol sa usapin ng ICC warrant, at wala ring malinaw na Interpol coordination o lokal na kasong nakasampa laban kay Dela Rosa, kaya’t para sa kanya ay dapat malinaw muna ang legal na basehan bago ang anumang enforcement action.
Sa huli, nanindigan ang senador na ang mga isyu ay dapat manatili sa katotohanan at hindi sa politikal na interpretasyon ng mga nangyari sa loob ng Senado. (report by Bombo Jai)
















