-- Advertisements --

Nagulat umano si Senator Risa Hontiveros sa naging pahayag ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na mas makakabuti kung isasantabi muna ang isyu tungkol sa West Philippine Sea para sa pagbili ng bansa sa coronavirus vaccine mula China.

Kasunod ito ng ginagawang paghikayat ng senadora sa gobyerno na dapat nitong siguruhin na hindi kailanman makokompromiso ang strategic goals at foreign policy objectives partikular na sa West Philippine Sea.

Ayon kay Hontiveros, hindi porque bibili ang Pilipinas ng Chinese vaccines o tatanggap ng donasyon at regalo mula sa China ay isasantabi na ng pamahalaan ang mga karapatan at teritoryo sa West Philipppine Sea.

Sa kabila raw kasi nang pagtuligsa ng iba’t ibang bansa sa pag-angkin ng China sa karagatan ng Pilipinas, hanggang ngayon aniya ay pinangangatawanan nito ang unrightful ownership sa teritoryo ng bansa.

Sa isinagawang Committee of the Whole hearing ng Senado para sa vaccination program ng gobyerno, hinikayat ni Hontiveros si Galvez na tiyakin sa publiko na uunahin pa rin ng gobyerno ang national interest at hindi ito magpapadala sa tinatawag na “vaccine diplomacy” ng China.

Sinabi kasi ni Galvez na kailangang isantabi muna ang isyu sa West Philippine Sea para iligtas ang taumbayan mula sa pandemic.

Dahil dito ay naalarma ang senadora kung kaya’t humihingi ito ng kasiguraduhan na hindi mababawasan ang pagtataguyod ng national interest sa West Philippine Sea, kahit pa sa usapin sa pagbili ng bakuna sa China.

Kapansin-pansin din umano ang mababang kumpyansa na ipinapakita ng publiko sa mga bakuna na gawa ng China, hindi lamang dahil sa kakulangan nito ng datos at impormasyon tungkol sa bakuna, gayundin ang isinusulong na “vaccine diplomacy” ng nasabing bansa na posibleng maging dahilan upang mapilitan ang ibang bansa na sumunod sa kung anuman ang gusto nito.

Saad pa ni Hontiveros na hindi rin nakakatulong ang ginagawang pagtatakip ng Malacañang tungkol sa bakuna at kawalan ng transparency ukol sa pagbili nito.