Kumpyansa si Sen. Bong Go na makikipagtulungan pa rin si PhilHealth chief Ricardo Morales sa kanilang mga senador sa ginagawa nilang imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad sa ahensya sa kabila ng kanyang medical condition sa kasalukuyan.
Ginawa ni Go ang naturang pahayag matapos na ilahad nina Morales at PhilHealth executive vice president Arnel De Jesus ang kanilang hindi magandang medical condition ilang araw bago ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa darating na Martes.
Sa isang panayam, sinabi ni Go na tiwala siyang hindi titigil si Morales sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon dahil nais din nitong malaman kung ano talaga ang problema sa PhilHealth.
Sinabi ng oncologist ni Morales sa ipinadala nitong medical certificate sa Senate Commiittee of the Whole na kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy ang naturang opisyal matapos na ma-diagnose ng lymphoma.
Dahil dito, pinapayuhan si Morales ng kanyang doktor na mag-leave pansamantala.
Sa liham naman na kanyang ipinadala sa opisina ni Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni De Jesis na hindi siya makakadalo sa pagdinig sa Martes dahil sa hindi inaasahang medical emergency.
Pero ayon kay Go, wala pa siyang impormasyon sa ngayon kung itutuloy ni Morales ang pag-leave nito dahil sa kanyang medical condition.
Ang naririnig lang niya aniya ay ipinaabot ni Morales kay Executive Sec. Salvador Medialdea na tatapusin lang niya ang mga pagdinig bago magpahinga sa trabaho.
Dahil dito, dapat aniyang matapos na rin sa lalong madaling panahon ang pagdinig ng Senado sa mga iregularidad sa PhilHealth upang sa gayon ay maipagpatuloy na rin ang pagbibigay ng ahensya ng tulong sa publiko lalo na sa mga COVID-19 patients.