Pormal nang tinanggihan ni Senator Christopher “Bong” Go ang endorsement ng PDP-Laban na siya ay tumakbo sa pagkapresidente sa 2022 national elections.
Sa liham niya kay Energy Secretary Alfonso Cusi, presidente ng isa sa mga paksyon ng PDP-Laban, sinabi ni Go na bagama’t ikinagagalak niya ang tiwala sa kanya ng mga miyembro ng partido, tatanggihan niya ang endorsement ng mga ito sapagkat hindi naman siya interesado sa naturang posisyon.
Ayon kay Go, chairman ng Senate health committee, mas nais niyang ituon na lamang ang kanyang oras at atensyon sa pagtulong sa mga Pilipino sa pagbangon mula sa kalbarong idinulot ng COVID-19 pandemic.
Magugunita na bukod kay Go, inendorso rin ng paksyon ni Cusi sa PDP-Laban si Pangulong Rodrigo Duterte bilang bise presidente sa 2022 elections.
Tinanggap ito ni Duterte, pero ayon sa Malacanang, ito ay kung hindi naman tatakbo si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagkapangulo sa susunod na taon.