-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Sen. Bong Go na dapat matapos na ang problema sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa harap ito ng pagkakabulgar ng umano’y panibagong alegasyon ng korupsyon sa PhilHealth kaugnay sa overpriced purchase ng IT system na nagkakahalaga ng mahigit P2 billion.

Sinabi ni Sen. Go, nananawagan ito sa liderato ng PhilHealth na tapusin at itigil na ang mga isyu ng anomalya sa loob ng kanilang hanay.

Ayon kay Sen. Go, ngayon na nasa isang public health emergency ang bansa, mas lalong hindi pwedeng mapalampas ang patuloy na problema sa ahensyang dapat naniniguradong may universal healthcare access ang mga Pilipino.

Una rito, pinaiimbestigahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y anomalya sa PhilHealth.

Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque, inatasan ni Pangulong Duterte si Undersecretary Jesus Melchor Quitain of the Office of the Special Assistant to the President na magsagawa ng imbestigasyon.

“Nakailang pagdinig na tayo ukol sa mga problema ng PhilHealth. Kahit noong hindi pa ako Senador ay isyu na ito. Enough is enough. I call on the PhilHealth leadership to put a stop to these issues of anomalies within its ranks. Once and for all, shape up or ship out!” ani Sen. Go.