-- Advertisements --

Nagpaalala si Senator Bong Go sa mga Pilipino na siguruhing sumusunod sa mga pinaiiral na health protocols ng gobyerno, tulad na lamang ng mandatory na pagsusuot ng face masks at face shields sa mga pampublikong lugar dahil sa banta ng bagong coronavirus variant.

Hinikayat din ng senador ang mga otoridad na higpitan ang pagpapatupad ng mga naturang health standards at mamahagi na rin ng libreng masks at face shields sa mga mahihirap na hindi kayang bumili nito.

Batay kasi sa pag-aaral na inilathala ng University of the Philippines- OCTA Research Group ay napag-alaman na tanging 61 porsyento lamang ng mga respondents mula Metro Manila ang palaging nagsusuot ng face shield tuwing lalabas ng kanilang mga bahay.

Ayon kay Go, hindi pa tapos ang laban kontra COVID-19 kung kaya’t hindi muna dapat magpa-kumpyansa ang publiko. Dapat aniya ay sumunod ang lahat sa patakaran ng gobyerno dahil ang kapakanan naman ng lahat ang inuuna.

Ginawa ng senador ang pahayag na ito kasabay ng pag-usbong ng bagong variants ng coronavirus, kasama na rito ang B117 strain na nadiskubre sa United Kingdom at napaulat na 71 percent na mas nakakahawa.

Saad pa ni Go na normal lamang na mag-mutate ang virus kapag naipapasa ito mula sa isang tao papunta sa iba sa mahabang panahon. Kaya aniya mahalaga ang pagsusuot ng face mask at face shield para hindi na ito makahawa at mabawasan ang tsansa na mag-mutate ito.

Sa kabila kasi ng pagbaba sa bilang ng mga naitatalang kaso ng nakamamatay na virus sa bansa ay kailangan pa rin daw sumunod ang taumbayan sa mga protocols.