-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pakikiramay si Sen. Bong Go sa mga pamilya nina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, na nasawi habang nagsasanay sa basketball sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.

Ayon sa senador, bilang dating atleta at basketball player, lubos niyang ikinalungkot ang nangyaring trahedya.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, nanawagan si Go sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at mga organisasyon na magsagawa ng agarang at kumpletong imbestigasyon upang matukoy ang tunay na nangyari.

Giit niya, maraming katanungan ang dapat masagot upang makamit ang buong katotohanan.

Kinikilala rin niya ang inisyatibo ng Philippine Sports Commission na agad na nagtakda ng pagpupulong kaugnay ng insidente.

Binanggit ng senador na mahalaga ang kaligtasan sa lahat ng training ng mga atleta at kabataang sports enthusiasts.

Aniya, anumang resulta ng imbestigasyon ay dapat magsilbing aral upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong trahedya.

Dagdag pa niya, kung kinakailangan ng batas o polisiya para matiyak ang kaligtasan, handa siyang tugunan ito sa Senado.

Sa huli, muling nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si Go sa mga pamilya ng mga biktima, lalo na sa pamilya ni Rene Clert Baterbonia na kapwa niya Mindanaoan.

Nakausap na rin umano niya ang ina ng biktima na si Rovelyn Baterbonia at nagpaabot ng tulong sa kanilang pamilya. Nawa’y bigyan sila ng Panginoon ng lakas at ginhawa sa gitna ng matinding dalamhati.