Mariing iginiit ni Senador Bong Go, Vice Chairman ng Senate Committee on Health, ang laban kontra sa tinatawag na “white elephant projects” o mga proyektong nakatiwangwang at hindi napapakinabangan. Ayon sa kanya, malaking sayang ang perang pinaghirapan ng taumbayan kung mauuwi lamang sa walang silbi ang mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Kasabay ng inauguration ng bagong Super Health Center sa Maco, Davao de Oro, pinaalalahanan ni Go ang mga national government agencies at local government units na tiyaking operational at kapaki-pakinabang ang mga proyektong pinopondohan gamit ang pera ng mamamayan.
Muling nanawagan ang senador na bigyang prayoridad ang mga proyektong may direktang pakinabang sa mga nangangailangan, tulad ng pagtatayo ng Super Health Centers sa malalayong lugar. Paalala niya, huwag hayaang maging “white elephant” ang mga ito at masiguro na tuloy-tuloy ang serbisyo sa publiko.
Dagdag pa ni Go, dapat unahin ng pamahalaan ang pagseserbisyo sa mahihirap kaysa sa maruming pamumulitika. Aniya, ang tunay na layunin ng mga proyekto ay ang makapagbigay ng pag-asa at tulong sa mga Pilipino, lalo na sa panahon ng pangangailangan.














