-- Advertisements --

Nagsampa ng panibagong reklamong grave oral defamation si Senador Erwin Tulfo laban kina dating Representative Mike Defensor, Atty. Levito Baligod, at dalawa sa mga nagpakilalang dating bodyguard ni Zaldy Co na sina Jeron Valderama at Bernard Gumban ngayong Miyerkules, Hulyo 8.

Ang mga bagong reklamo ay inihain sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office.

Bukod kina Defensor at Baligod, kasama rin sa kinasuhan sina Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica, at Atty. Virgilio Garcia.

Nag-ugat ang reklamo sa ginanap na umano’y “unauthorized” Blue Ribbon Committee hearing at press conference ng grupo noong Hunyo 16, 2026.

Doon ay idinawit si Tulfo sa isang maanomalyang kickback scheme at suhol gamit ang maleta mula sa mga flood control projects.

Mariin namang itinatanggi ng senador ang mga akusasyon. Nanindigan siya na wala siyang natanggap na anumang maleta o kickback dahil wala naman siyang hinahawakang pondo para sa flood control o mga infrastructure projects.

Bago ang pagsasampa sa Mandaluyong, naghain na rin si Tulfo noong Hunyo 8, 2026, ng hiwalay na kasong libel laban naman sa tatlo sa mga miyembro ng naturang 18 ex-bodyguards sa korte ng Pasay City.