ILOILO CITY – Binuweltahan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nitong iimbestigahan ang umano’y overpriced na Iloilo Convention Center at kung totoo na ang contractor nito na Hilmarc’s Construction Company ang siya ring contractor ng bagong Senate Building sa Fort Bonifacio Taguig City at Makati City Hall Building 2.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Sen. Drilon, sinabi nito na taktika lang ito ng pangulo upang ilihis ang atensyon ng publiko sa umano’y anomalya sa pagbili ng PS-DBM ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay Drilon, masyado nang huli si Duterte sa balita dahil naimbestigahan na aniya ng Senate Blue Ribbon Committee Senado noong 2014 ang nasabing isyu at personal itong humarap noong umuupo pa siya bilang senate president.
Dagdag ni Drilon, napatunayan na noon sa Ombudsman noong 2015 na walang anomalya at sa katunayan anya ang Senate whistleblower na si dating Iloilo Provincial Administrator Manuel Mejorada ay na-convict sa kasong libel.
Nanindigan naman si Drilon na hindi titigil ang Senate Blue Ribbon Committee sa pag-imbestiga sa Pharmally kahit ilihis pa ni Duterte ang isyu.