-- Advertisements --

Ikinalugod ng Office of the Prosecutor (OTP) ng International Criminal Court (ICC) ang paglalabas ng arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na opisyal ng itinituring bilang suspek sa nagpapatuloy na crimes against humanity case sa ICC.

Sa isang statement, sinabi ng OTP na isang mahalagang hakbang ang naturang warrant laban kay Dela Rosa sa nagpapatuloy na pagtugis ng pananagutan sa umano’y mga nagawang krimen sa ilalim ng war on drugs campaign sa Pilipinas.

Ayon sa OTP, ipagpapatuloy ng tanggapan ang masusing pakikipag-ugnayan sa Registry at sa lahat ng kaugnay na stakeholders para mapadali ang pagsisilbi ng warrant.

Saad pa ng Prosecutor, ang sekretong arrest warrant ay inisyu noong Nobiyembre 6, 2025, tatlong araw matapos ihain ang naturang request. Ipinaalam ito sa mga kinauukulang otoridad ng Pilipinas matapos itong iisyu.

Una rito, nitong Lunes, ipinag-utos ng ICC Pre-Trial Chamber I ang pag-reklasipika sa warrant para gawin itong “public” mula sa pagiging confidential.

Matatandaan, si Dela Rosa ay nauna nang tinukoy bilang isa sa co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y crimes against humanity.

Ayon sa OTP, base sa kanilang iprinisentang ebidensiya, nakitaan ng Trial Chamber na may reasonable grounds o sapat na batayan para paniwalaang si Dela Rosa, bilang dating Davao City Police Director at kalaunan ay naging PNP Chief, ay responsable sa crimes against humanity dahil sa umano’y mga pagpapatay sa kasagsagan ng drug war ng Duterte administration.