Naging emosyonal si Senate Ways and Means Committee chairperson Pia Cayetano dahil nararamdaman nito na hindi siya sinusuportahan ng mga kapwa mambabatas sa corporate income tax reform bill na kaniyang isinusulong.
Mas pinagtuunan daw kasi ng pansin ng mga mambabatas ang franchise bill na isinusulong ni Sen. Grace Poe para sa pagpapatayo ng Bulacan airport.
Umabot ng limang oras ang sesyon sa Senado kahapon makaraang himay-himayin ng mga senador ang franchise bill at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill.
Hindi na napigilan ni Cayetano na ilabas ang kaniyang sama ng loob dahil palagi na lamang daw pinagpapaliban ng mga mambabatas ang kahilingan nito na magtanong pa tungkol sa kaniyang isinusulong na panukala.
“I feel that I’m not getting enough support that my good friend—and I have so much respect for her—Senator Grace is getting. In other words, I am envious that Senator Grace has all the support for this bill tonight kahit anong oras pero kapag ako ang nagre-request na ituloy natin, ‘O sige bukas na lang, postpone na lang,'” emosyunal na pahayag ni Cayetano.
Para naman kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, masyadong kumplikado ang CREATE bill kaysa sa ibang panukala kung kaya’t mas inuuna nila ito.
“We are supporting CREATE. CREATE is on the table everyday. Unfortunately, we have colleagues, Mr. President, that feel the removal of incentives is not an easy thing to do, when you remove incentives that affect five to six million workers and industry players. If it was just purely bringing down the income tax from 30% to 25% I can pass it right now,” saad naman ni Zubiri.