VIGAN CITY – Sinalungat ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang sinabi ng Commission on Human Rights na hindi umano death penalty ang sagot sa lumalalang kriminalidad dahil sa iligal na droga, kundi ang pagsasaayos ng justice system sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Go sa pagdalo nito sa pagbubukas ng Malasakit Center sa lalawigan ng Ilocos Sur, inihayag nito ang kanyang malaking tiwala sa justice system sa bansa.
Aniya, mayroon na umanong mga umiikot na Justice on Wheels na magpapatunay na seryoso ang mga huwes pati na mga mahistrado na resolbahin ang mga nakabinbing kaso sa mga korte.
Muli rin nitong inulit ang kaniyang kahilingan sa mga kapuwa nito senador, maging sa mga kongresista na suportahan nila ang itinutulak nitong parusang bitay sa mga konektado sa iligal na droga at sa pandarambong kung wala silang kasalanan.
Samantala, sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inagurasyon ng by-pass road sa Candon City, muli nitong inihayag ang kaniyang pagsuporta sa itinutulak ng kaniyang dating aide.
Sinabi rin ng pangulo na kung malinis umano ang konsensya ng mga senador at kongresista, wala uano silang dapat na ikatakot sa muling pagbabalik ng parusang bitay para sa mga mapapatunayang guilty sa plunder at sa mga konektado sa iligal na droga.