-- Advertisements --

Nangako si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na mananatiling impartial sa kanyang tungkulin bilang senator-judge sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos manumpa si Go at ang 22 niyang kasamahan bilang senator-judges at ma-convene ang Senado bilang Impeachment Court noong Lunes, Mayo 18, 2026.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Go na ang pangunahing layunin ay mailabas ang katotohanan sa naturang kaso.

“Magiging impartial po ako ngunit dapat lumabas po ’yong katotohanan. ’Yong truth ang importante dito. ’Yon ’yong inaabangan ng mga Pilipino, ang katotohanan,” ani Go.

Dagdag pa niya, layon ng proseso na punahin o linawin ang umano’y mga kasinungalingan na lumabas sa deliberasyon ng Kamara sa articles of impeachment laban sa Bise Presidente.

“Kung meron akong makitang sinungaling—kaya nga po hindi ako nagsalita noong mga nakaraang araw—may makita akong singuling diyan sa pinipresenta, sasabihin kong sinungaling ’yan,” paliwanag ni Go.

Ayon sa senador, pagkakataon na rin ito para magtanong at makapagdesisyon kaugnay sa impeachment case.

“Ito na ’yong pagkakataon kong makapagtanong at makapagdesisyon,” pagtatapos niya.

Samantala, nag-isyu ang Senado ng writ of summons kay VP Sara, na nagbibigay sa Bise Presidente ng 10 araw mula sa opisyal na pagtanggap upang sumagot sa kautusan. Wala pa namang opisyal na pahayag o reaksyon ang kampo ni VP Sara kaugnay nito.