-- Advertisements --

Sa kabila ng kanyang patuloy na pagliban sa Senado, naghain si Senador Ronald ”Bato” dela Rosa ng dalawang panukalang batas, kabilang ang isang panukala laban sa umano’y foreign interference sa bansa.

Batay sa rekord ng Senado, nilagdaan ni Dela Rosa ang Senate Bills 2079 at 2080 noong Mayo 4, kasabay ng pagbabalik ng sesyon matapos ang isang buwang recess.

Isinumite umano ang mga panukala ng kanyang legislative staff at pormal na binasa sa plenaryo noong Mayo 6.

Layunin ng Senate Bill 2080 o Counter Foreign Interference Act na tukuyin at parusahan ang foreign interference sa bansa, gayundin ang pagbuo ng isang konseho na tututok sa mga usaping may kinalaman sa politika, ekonomiya, teknolohiya, edukasyon, batas, at seguridad ng bansa.

Samantala, ang Senate Bill 2079 o National Police Clearance System Act ay naglalayong palakasin ang police clearance system sa pamamagitan ng centralized database para sa crime incidents, arrest warrants, at records ng mga naaresto at wanted na indibidwal.

Hindi pa muling nagpapakita sa publiko si Dela Rosa at hindi rin dumadalo sa sesyon ng Senado mula pa noong Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat na umano’y may inilabas na warrant of arrest laban sa kanya ang International Criminal Court kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng dating administrasyon.

Dahil dito, nahaharap si Dela Rosa sa ethics complaint kaugnay ng matagal niyang pagliban. Noong Lunes, hiniling ng Senate ethics committee ang kanyang paliwanag kaugnay ng panukalang “no work, no pay” policy para sa mga absentee senator.