-- Advertisements --

Nagpasaklolo si Senador Bato Dela Rosa sa Kataas-taasang Hukuman upang pigilan si dating Sen. Antonio Trillanes IV na siya’y arestuhin gamit ang inisyung ‘arrest warrant’ ng International Criminal Court.

Bukod sa dating mambabatas, nais rin ni Sen. Dela Rosa na pagbawalan ng Korte Suprema ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Philippine Center on Transnational Crimes, at mga respondents na ipatupad ang naturang warrant.

Hiling niya na siya’y hindi maaresto, i-detene, ilipat at isuko ng mga nabanggit palabas sa teritoryo ng bansa dahil sa inilabas na ICC warrant, Interpol Red Notice, utos ng ehekutibo at iba pa nang walang mabisang warrant inisyu mula sa lokal na korte ng bansa.

Ito’y alinsunod sa kanyang inihaing panibagong manipestasyon matapos ang naganap na insidente ng putukan ng baril sa Senado nitong Miyerkules.

Partikular na inahain ng mambabatas sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon ang ‘Very Urgent Manifestation of Supervening Events with Reiterative Prayer’ sa Korte Suprema.

Bagama’t nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, binatikos ng kanilang kampo nang malagay sa peligro ang buhay ng mga senador, empleyado at mga indibidwal nasa loob ng gusali.

Maliban sa ‘prohibition’ hiniling rin ni Sen. Dela Rosa sa hukuman na agaran mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order kontra sa tangkang pagpapatupad umano ng ‘ICC Warrant’ sa loob ng Senado.

Habang sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo sa mambabatas kamakailan, iginiit nitong walang papel si dating Sen. Trillanes para isilbi ang warrant nang ito’y magpunta sa Senado.

Magugunitang nitong Miyerkules ay naglabas ng resolusyon ang Korte Suprema sa petisyon ni Sen. Dela Rosa kung saan pinagkukumento ang mga respondents at maging ang mambabatas.

Binigyan sila ng 72-oras, katumbas sa 3-araw para isumite ang kanilang mga kumento sa petisyon.

Gayunpaman nilinaw ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting na maari pa rin pagbigyan ang hiling ng mambabatas tulad ng pag-isyu ng Temporary Restraining Order kung kinakailangan.