-- Advertisements --

Nangako si Senator Bam Aquino na magsasagawa siya ng imbestigasyon kaugnay sa mabagal na implementasyon ng P67 billion pondong inilaan para sa pagtatayo ng 25,000 silid-aralan sa bansa.

Ito ay sa kabila ng rekord na alokasyon para sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), na layuning tugunan ang matagal nang kakulangan sa mga classroom sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa isang Facebook post noong Martes, sinabi ni Sen. Bam na isa sa kanyang magiging prayoridad bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang alamin ang mga dahilan ng pagkaantala sa pagpapatupad ng proyekto.

“Responsibilidad nating tiyakin na ang pondong inilaan para sa edukasyon ay agad na nakararating sa mga paaralan at estudyanteng nangangailangan nito. Hindi sapat na maaprubahan ang budget—kailangan ding magsigurong mabilis at maayos itong naipatutupad,” ani Bam Aquino.

Dagdag pa ng senador na sisiyasatin ng komite ang mga posibleng hadlang sa implementasyon upang matiyak na agad na mapakikinabangan ng mga mag-aaral at guro ang inilaan na pondo.

“Iimbestigahan natin ang mga dahilan ng pagkaantala upang matiyak na agad na napapakinabangan ang mga pondong inilaan para sa edukasyon,” dagdag niya.

Ayon kay Aquino, tinatayang nasa 166,000 pa rin ang kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa, isang suliraning matagal nang kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

Mas lalo pang lumala ang sitwasyon matapos mawasak ang mahigit 1,000 silid-aralan dahil sa malakas na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8, 2026.

Dahil dito, iginiit ng senador na mahalaga ang agarang pagpapatupad ng mga proyektong pang-edukasyon upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa mga paaralan sa bansa.