Iminungkahi ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV nitong Lunes ang pagdeklara ng state of national emergency upang matulungan ang mga Pilipinong apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa kanya, ramdam na ng maraming pamilya ang “emergency-level” na hirap dahil sa pagtaas ng gasolina at diesel, kaya kailangan ng agarang tugon ng gobyerno. Sa ilalim ng ganitong deklarasyon, maaaring magpatupad ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin at magpalabas ng ayuda para sa mga apektadong sektor tulad ng transportasyon at Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).
Binigyang-diin din niya na dapat matiyak na makararating sa publiko ang mga benepisyo ng mga panukala sa Senado, kabilang ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na magbaba o magsuspinde ng fuel excise tax.
Samantala, patuloy na tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng tensyon sa Middle East, kung saan umabot na umano sa mahigit $110 kada bariles ang krudo.
Sa Kongreso, nakabinbin pa rin ang panukalang magbibigay ng emergency powers sa Pangulo para tugunan ang epekto ng oil price surge, habang hinihintay pa ng Senado ang pormal na transmittal ng enrolled bill mula sa House of Representatives, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III. (report by Bombo Jai )















