-- Advertisements --

Nilinaw sa publiko ni Senator Sonny Angara na hindi tatalakayin ang pagbabago sa political provisions sa mga pagdinig sa Senado hinggil sa isinusulong na pag-amyenda sa Saligang Batas.

Aniya, limitado lamang sa economic amendments ang gagawin ng Senado, hindi tulad ng people’s initiative na walang limitasyon kung sakaling baguhin ang paraan ng botohan sa pag-amyenda ng Saligang Batas.

Una ng bumuo ang Senado nitong Miyerkules ng sub-committee sa ilalim ng committee on constitutional amendments and revision of codes para talakayin ang Resolution of Both Houses No.6 na inihain nina Senate Pres. Juan Miguel Zubiri, Senate Pres. Pro Tempore Loren Legarda at Sen Angara.

Sa naturang resolusyon, layong amyendahan ang partikular na economic provisions ng Konstitusyon partikular na ang Articles XII, XIV, at XVI.

Ang paglilinaw naman ni Sen. Angara ay kasunod ng ilang alegasyon na nais ng mga nagsusulong ng Cha-cha na mapalawig pa ang termino ng mga nais na maupong pangulo.