-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Maging ang sementeryo ng mga marine animals na tinawag na cetecean cemetery ay inihahanda na rin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol para sa Todos los Santos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR-Bicol, binisita na aniya ng mga tauhan nila ang sementeryo na nasa loob ng BFAR regional office compound sa Barangay Fabrica, Bula, Camarines Sur.

Ito ay upang maglinis, magsindi ng kandila at mag-alay ng dasal.

Nabatid na karamihan sa mga nakalibing sa naturang sementeryo ay mga nadidiskobreng patay na marine animals na isinailalim sa necropsy kagaya ng whale shark, dolphin at manta ray.

Ayon kay Enolva, mayroon din itong mga lapida kung saan nakalagay ang petsa ng kamatayan at araw na inilibing ang hayop, gayundin ang scientific name at ang ibinigay na pangalan ng ahensya.

Layunin umano ng cetecean cemetery na maipakita sa publiko ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga marine animals upang hindi maubos ang kanilang lahi.