-- Advertisements --

Inamin ng kontrobersiyal at self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na dahil sa matinding pressure at banta sa kaniyang buhay at maging sa pamilya nito kaya nagawa niyang mandamay ng mga tao ng walang kasalanan.

Isa na dito si Sen. Leila De Lima na kaniyang inakusahan na sangkot sa illegal drug trade sa loob mismo ng New Bilibid Prison (NBP).

Pero sa isang counter affidavit na kaniyang isinumite sa Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty Reymund Palad, binawi ni Kerwin ang lahat ng kaniyang akusasyon laban kay Sen. De Lima.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Reymund Palad ang legal counsel ni Kerwin ipinaliwanag nito kung bakit binawi ni Kerwin ang kaniyang mga pahayag laban kay Sen. De Lima.

Sinabi ni Atty Palad, hindi na naappreciate ng kaniyang kliyente na si Kerwin ang pagiging state witness dahil hindi naman talaga siya ginagamit bilang testigo at hindi nasusunod ang napag usapan na magiging state witness si kerwin at ang kapalit nito ay bawiin ang mga isinampang kaso laban kay Kerwin.

Dagdag pa ni Atty. Palad, ang affidavit ni Kerwin ay resulta sa isang bagong kaso na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ na natanggap ng kanilang panig nuong March 2022.

Aniya, dahil may bagong kaso kailangang magsumite ng counter affidavit ang kaniyang kliyente at kahapon isinumite na nila ito sa DOJ.

Si Kerwin ay nahaharap sa patung-patong na kaso.