LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na tumaas ang seismic energy na inilabas ng Bulkang Mayon, habang bumaba naman ang naitalang uson at rockfall events sa nakalipas na magdamag.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kasabay nito ang pagtaas ng background tremor o mahinang pag-uga na nagpapahiwatig ng intrusion sa edifice ng bulkan.
Aniya, nananatili sa Alert Level 3 ang status ng bulkan at walang namonitor na pagtaas sa iba pang binabantayang parametro tulad ng sulfur dioxide flux at ground deformation upang maitaas ito sa Alert Level 4.
Gayunpaman, binalaan niya ang mga residente na iwasan ang pagpasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng pyroclastic density currents o uson, lava flows, rockfalls, at iba pang panganib ng bulkan, at maghanda sa posibilidad ng matinding pagsabog.
Sinabi rin ng opisyal na wala silang naitalang volcanic earthquakes sa mga nakaraang araw, na nagpapahiwatig na walang bara at malayang nakakalabas ang magma mula sa lava dome ng bulkan.
Nagbabala si Bornas sa publiko tungkol sa posibilidad ng maliliit ngunit napakainit na lahar sa Mi-isi, Bonga, at Basud gullies kung sakaling magkaroon ng malakas na ulan sa summit ng Bulkang Mayon.
















