Hihigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa Embahada ng Estados Unidos at Iran dito sa bansa.
Ang hakbang ng PNP ay kasunod ng lalong umiinit na tensiyon sa pagitan ng dalawang estado matapos mapatay ang isang top Iranian general.
Ayon kay PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Camilo Cascolan, nakatakdang pulungin ng PNP ang mga liason o protocol officers ng iba’t ibang embassy sa bansa para pag usapan ang latag ng seguridad.
Sinabi ni Cascolan, bukod sa dagdag na seguridad sa naturang mga embahada, babatanyan din nila ang mga parehong tanggapan ng iba’t-ibang bansa na kilalang kaalyado ng US at Iran.
Kahapon nagpulong ang security sector para i-monitor kung may mga grupong maglulunsad ng retaliatory o sympathy attacks; at ang posibleng epekto sakaling humantong sa giyera ang tensiyon ng dalawang bansa.
Sa kabilang dako, mahigpit ang bilin ni PNP officer in charge Lt. Gen. Archie Gamboa sa mga regional police directors na mahigpit na bantayan ang mga grupo na sympathetic sa Iran.
“Ang guidance ko naman sa kanila is to continue monitoring those groups who might be sympathetic but as of yet wala naman RD or NS na nagsabi na there is a such thing existing in the Philippines,” wika ni Lt Gen. Gamboa.