CEBU CITY – Nangako ang pinuno ng pulisya sa Cebu City na hindi matutulad sa naging sitwasyon sa Pista ng Poong Itim na Nazareno ang pagdiriwang ng kapistahan ng Sinulog ngayong taon sa Cebu.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Col. Engelbert Soriano, director ng Cebu City Police Office na natitiyak niyang hindi matutulad sa insidente ng pananakit ng ilang pulis sa Traslacion at pangunguha ng cellphone sa journalist ang pagbabantay nila sa seguridad ng pista ng Santo Niño de Cebú.
Naiintindihan daw ng hepe ng pulisya sa Cebu City na inaabot ng milyong katao ang nabisita ng kanilang siyudad para makiisa sa pista, pero hindi gaya sa Traslacion, hindi naman naging tradisyon na hawakan ng mga deboto ang imahen ng Santo Niño.
Pareho rin ang sentimyento ni Soriano sa nangyari sa pista ng Quiapo dahil hindi rin umano basta-basta ang pagod ng mga pulis na nagbantay ng seguridad sa selebrasyon.