Iprinisenta ng House prosecution panel sa pagdinig ng misuse of confidential funds ni Vice President Sara Duterte ang isang acknowledgment receipt mula sa Office of the Vice President (OVP) na isinumite sa Commission on Audit (COA).
Nakasaad dito na ang kontrobersiyal na pangalang “Mary Grace Piatos” ay tumanggap ng ₱70,000 bilang “payment of reward (medicines)”.
Ayon sa testigo ng prosekusyon na si Roderick Wamil, dating state auditor ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office o ICFAO, ang acknowledgment receipt na ito ay hindi sapat at kulang sa mga supporting documents.
Binigyang-diin niya na ang resibong ito ay may posibleng paglabag sa Joint Circular 2015-01 dahil walang kalakip na dokumentong nagpapatunay ng tagumpay o documents evidencing success ng operasyon o transaksyon na siyang mahigpit na rekisito kapag naglalabas ng “payment of rewards” gamit ang confidential funds.
Tinanong din ni House prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan ang testigo kung ang ibinayad ba na reward ay gamot?
Ayon sa testigo, hindi ito matutukoy sa pamamagitan lamang ng hawak na resibo kaya naman humingi ang COA ng karagdagang paliwanag at dokumento.
Matatandaang matagal nang kinukwestyon ng mga mambabatas sa mga isinagawang pagdinig sa House of Representatives noon ang pangalang Mary Grace Piatos dahil kahawig ito ng pinagsamang pangalan ng sikat na chichiria at restuarant.
Kinumpirma rin noon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang opisyal na rekord (birth, marriage, o death certificate) ang pangalang “Mary Grace Piattos” sa buong bansa, kaya naniniwala ang prosekusyon na ito ay isang pekeng pagkakakilanlan upang itago ang paggasta sa confidential funds.
















