-- Advertisements --

Kinumpirma ng People’s Liberation Army Southern Theater Command ng China ngayong Sabado, Agosto 1, na nagsagawa ito ng joint air at naval combat drills sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.

Isinagawa ang naturang pagpapatroliya sa himpapawid at katubigan ng shoal, na tinatawag ng China bilang Huangyan Dao. Layunin umano nito na subukin at pahusayin ang combat readiness ng pwersa ng China para depensahan ang kanilang national territorial sovereignty at maritime rights.

Inilarawan din ng Chinese military ang naturang drills bilang isang nararapat na tugon sa mga aksiyon ng “ilang bansa” na sumisira umano sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Bagamat wala itong tinukoy na anumang bansa, ang Pilipinas ay may claim sa naturang karagatan na tinatawag ding Bajo de Masinloc o Panatag Shoal na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na komento ang Chinese Embassy sa Maynila gayundin ang panig ng Pilipinas kaugnay ng isinagawang military exercises ng China sa disputed water.