-- Advertisements --

Naghain si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ng House Bill 9476 na naglalayong magtatag ng Barangay Legal Aid Desks (BLADs) at Mobile Legal Clinics (MLCs) upang mailapit ang libreng serbisyong legal sa mga Pilipino, lalo na sa mga nasa liblib at underserved na komunidad.

Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng Department of Justice (DOJ) at Public Attorney’s Office (PAO) ang pagpapatakbo ng mga mobile legal clinic na magbibigay ng libreng legal na konsultasyon, tulong sa paghahanda ng mga affidavit, kontrata at iba pang legal na dokumento, gayundin ng mediation at conciliation services.

Ang bawat barangay naman ay magkakaroon ng legal aid desk na pamamahalaan ng mga sinanay na paralegal, volunteer lawyers at law student interns.

Ayon kay Yamsuan, maraming Pilipino ang hindi nakakakuha ng sapat na serbisyong legal dahil sa layo ng mga hukuman at abogado at sa gastos na kaakibat nito.

 Aniya, layunin ng panukala na mapalapit ang hustisya sa mga komunidad, matulungan ang mga mamamayan na maunawaan at maipaglaban ang kanilang mga karapatan, at maisulong ang maayos na pagresolba ng mga alitan sa pamamagitan ng mediation.

Naglalaman din ang panukala ng mga insentibo para sa mga volunteer lawyer at law student, kabilang ang MCLE credits, tax deductions para sa pro bono legal services at internship credits. 

Magtatatag din ng Barangay Legal Assistance Council (BLAC) upang mangasiwa sa pagpapatupad at pagsusubaybay ng programa.