-- Advertisements --

Naghihigpit ngayon ang gobyerno ng Macau dahil sa pagkalat ng sakit na Novel Coronavirus.

Sa panayam ng Star FM Baguio kay Rowena Ruiz, OFW sa Macau, ibinahagi nitong kanselado ang trabaho at mga pasok sa kanila ng isang linggo pa.

“Wala po kaming pasok hanggang 31. One week pa na wala kaming pasok. Lahat po ng mga cinemas, sinara nila, para ma-prevent yung pag spread ng virus.”

May mga face mask rin anyang maaaring makuha sa health center, ngunit kailangan itong bayaran.

“Yung mga mask po, may dumating po kahapon na mga supply. Pero kailangan mo pong magpakita ng ID sa health center bago ka bigyan. Kailangan mo din siyang bayaran.”

Kapansin-pansin rin anya ang tumal ng turismo at ng mga taong nasa pampublikong lugar dahil sa banta ng kumakalat na sakit.

“[Di kami masyadong lumalabas], kasi natatakot din kami. Pati yung mga bus, konti lang yung mga tao. Konti lang yung mga tao talaga. Pati sa mga tourist spots, konti rin yung mga tao. Noon, siksikan. Ngayon, hindi na. Free ka ng maglakad-lakad. Hindi kagaya dati. Ang sabi nila, dapat mag-ingat kaming lahat na pumunta sa mga public places. Dapat daw mag stay kami sa aming bahay, at kailangan mag wear kami ng mask.”

Ibinahagi rin nitong hindi pinapayagan ng otoridad ng Macau ang pagpasok ng mga mula sa Wuhan o Hubei province kung wala silang cleared medical certificate.

Sa tala ay nasa anim na ang kaso ng nasabing sakit sa Macau.