-- Advertisements --
image 91

Tiniyak ng Philippine National Police na nakahanda ang buong hanay ng kapulisan sa pagpapatupad ng seguridad sa ginanap 2022 simultaneous Bar Examinations sa iba’t ibang panig ng bansa simula ngayong araw.

Sinabi ni Philippine National Police Spokesperson PCol. Jean Fajardo na bago pa man magkaroon ng schedule ang bar exams ay nakipag-ugnayan na ang pambansang pulisya sa mga kinauukulan mula sa national level hanggang sa regional at provincial offices.

Ito ay upang tiyakin na nakahanda ang PNP na magbigay ng kaukulang tulong at seguridad para sa mga indibidwal na kukuha ng exam at gayundin sa mga opisyal at staff na mag a-assist sa naturang pagsusulit.

Dagdag pa ni Fajardo, ipinag-utos din ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa mga regional directors na imaximize ang deployment ng pulisya sa mga designated testing centers kaya’t asahan ang maagang pagdeploy ng mga pulis sa nasabing mga lugar.

Samantala, sa bukod na pahayag naman ay sinabi National Capital Region Police Office director brig. General Jonnel Estomo na magpapakalat sila ng mahigit 500 na kapulisan sa mga unibersidad na magsisilbinh testing centers sa buong Metro Manila kabilang na sa De La Salle University, San Beda University, Manila Adventist College, University of the Philippines – Bonifacio Global City campus, at Ateneo de Manila University.

Ito ay para tiyakin na agad na marerespondihan ng mga otoridad ang anumang untoward incident na posibleng mangyari, at upang siguraduhin na rin aniya ang kaayusan sa mga premises ng limang testing sites sa rehiyon.

Aniya, bukod dito ay maghihigpit din ang pulisya sa pagpapatupad ng minimum public health protocols sa mga testing centers at gayundin ang pagtatatag ng security measures sa mga kalsadang patungo rito bilang bahagi na rin ng kanilang pagtiyak sa kapayapaan at kaayusan sa 2022 Simultaneous Bar Examinations.