-- Advertisements --

Tiniyak ng PNP na sapat na seguridad ang kanilang ibibigay lalo na sa pagbiyahe ng mga election paraphernalias gaya ng mga ballot boxes at vote counting machines sa iba’t ibang polling centers sa buong bansa.

Una nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec), sinimulan na nila ang delivery ng mga election paraphernalia sa ibat ibang lugar sa bansa para sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.

Ayon naman kay PNP Spokesperson Col. Bernard Banac, magsisimula ang pagbibigay nila ng seguridad sa mga election paraphernalia mula sa iba’t ibang Comelec hubs sa bansa patungo sa mga polling centers.

Paliwanag ni Banac, ang contractor na kinontrata ng Comelec ang siyang magdedeliver ng mga election paraphernalia mula Maynila patungo sa iba’t ibang Comelec warehouses.

May mga security adjustment din na ipapatupad ang PNP kasama ang AFP sa pag-deliver ng mga election paraphernalia sa mga lugar na tinaguriang critical areas o red category.

Nasa 160,000 police personnel ang ipapakalat ng PNP sa buong bansa para magbantay sa seguridad sa eleksyon.

Kinumpirma din ni Banac na ang mga bagong bili na mga kagamitan na na nagkakahalaga ng P1.8-billion ay gagamitin ng PNP sa halalan kabilang na ang mga armas, radio sets, patrol jeeps, K9 dogs at dalawang single-engine Airbus helicopter.