Magkatuwang na tiniyak ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Ito ang binigyang-diin ni PH Army Commanding General Roy Galido sa ginanap na Regional Joint Security Control Center meeting bilang paghahanda sa naturang halalan sa nasabing rehiyon.
Kasunod ito ng naging desisyon ng Comelec na hindi i-postpone ang eleksyon sa rehiyon, sa kabila ng mga apela ng lima sa anim na gobernador doon na ipagpaliban muna ang gaganaping BSKE2023 sa lalawigan.
Ang naturang pagtitipon ay pinangunahan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, kasama ang mga kinatawan ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan kung saan tinalakay din ang iba’t-ibang mga komprehensibong planong panseguridad sa rehiyon upang matiyak na magiging matagumpay ang pagdaraos ng 2023 BSKE sa Oktubre.
Kabilang sa mga dumalo rito ay sina PH Army Commander at incoming Western Mindanao Command commander MGEN Steve Crespillo, 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central Commander MGEN Alex Rillera, kasama na rin ang iba pang mga opisyal ng PNP at BARMM stakeholder.