Tiniyak ng Philippine National Police ang mahigpit na seguridad na ipatutupad nito sa bansa para sa dalawang araw na official visit ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol Jean Fajardo, ito ay sa pamamagitan ng security framework na sinusunod ng Pambansang Pulisya para sa pagpapatupad ng seguridad sa tuwing mayroong mga bumibisitang foreign dignitaries sa ating bansa.
Aniya, bukod dito ay patuloy din ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa close in security ng kasamang deligasyon ni Kishida sa pagbisita nito dito sa Pilipinas.
Matatandaang kabilang sa mga aktibidad ng Japanese PM sa bansa ang pagdalo sa bilateral meeting nito kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Palasyo ng Malakanyang kung saan tinalakay ng mga ito ang iba’t-ibang mga usapin kabilang na ang isyu sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Habang ngayong araw naman ay nakatakda rin buksan ang isasagawang special joint session sa Senado at Kongreso na dadaluhan ni Japanese PM Fumio Kishida.