NAGA CITY – Naging matagumpay ang security preparations ng Naga City Police Office (NCPO) kaugnay ng pinakaunang pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lungsod ng Naga kahapon, Marso 16, 2023.
Mababatid na apat na area sa lungsod ng Naga at lalawigan ng Camarines Sur ang pinuntahan ng punong ehekutibo gaya na lamang ng sa Brgy. Palestina, Pili, Camarines Sur, kung saan inilunsad ang Kadiwa ng Pangulo, groundbreaking ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Projects sa Panganiban area, Brgy. Concepcion Pequeña gayundin sa Balatas sa lungsod ng Naga maging sa Provincial Capitol kan Camarines Sur para sa Distribution of Various Government Assistance.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Joseph Enguero, Acting Chief of the City Community Affairs and Development Unit ng nasabing himpilan, sinabi nito na sinuportahan ng Regional Director ng PNP ang kanilang deployment para maging mapayapa ang nasabing pagbisita ng Pangulo.
Ayon pa sa opisyal, sapat naman umano ang mga nakadeploy na mga awtoridad kung saan kasama sa mga nakalatag na mga security forces ang nasa 900 na miembro ng NCPO, Philippine Army, Force Multipliers, gayundin ang augmentation mula sa Police Regional Office 5 katulong din ang Presidential Security Group.
Samantala, naging maganda naman ang naging pagtanggap ng mga Nagueño kay Pangulong Marcos Jr.